Tuluyan nang ikinulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Kampo Krame si Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog-Echavez at ang kapatid nitong si Reynaldo Parojinog Jr.
Bandang alas-10:30 kaninang umaga nang dumating ang dalawang Parojinog sa Krame at agad na idiniretso sa PNP Custodial Center.
Dinala ang magkapatid sa Metro Manila matapos silang arestuhin kahapon ng madaling araw sa isinagawang raid ng Regional Criminal Investigation and Detection Group kasama ang Ozamiz-PNP kung saan napatay si Mayor Reynaldo (Aldo) Parojinog Sr., at misis nito na si Susan at si Octavio Parojinog.
Umalma naman ang abogado ng magkapatid dahil pinagbawalan ito ng PNP na makapasok sa loob ng selda para makasama ang kaniyang mga kliyente.
Kinikwestiyon ni Atty. Lawrence Calin, legal counsel ng Parojinog, ang pagdala sa Metro Manila sa kaniyang kliyente.
Aniya, dapat ang trial sa kaniyang kliyente ay sa Ozamiz dahil doon nangyari ang insidente.
Giit ni Calin na walang utos mula sa korte na ilipat sa PNP Custodial Center si Vice Mayor Nova at ang kapatid nito na si Reynaldo Jr.
Nais daw ng kaniyang mga kliyente na sa Ozamiz sila ikukulong at hindi sa Kampo Krame.
Kaugnay nito, magsusumite raw sila ng mosyon sa korte para payagan ang magkapatid na Parojinog na dumalo sa lamay ng kanilang mga magulang.
Sa kabilang dako, idinipensa ng PNP ang paglipat sa magkapatid na Parojinog sa Krame.