MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hanggang sa ngayon wala pang ebidensya para masabing kasing-bagsik ng mga “variants of concern” ng COVID-19 virus ang natuklasang P.3 variant dito sa Pilipinas.
“Tulad ng ibang variant of concern, hindi pa natin nabibigyan ng ebidensya na ito (P.3) ay nagiging dahilan sa mas mabilis na transmission, epekto sa mga bakuna or maaaring nagiging dahilan ng severity or tumaas ang risk para maging fatality,” ani Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman.
Tatlong variants of concern pa lang ng SARS-CoV-2 o ang virus na nagdudulot ng COVID-19, ang naitala at binabantayan ngayon ng mga eksperto.
Ang B.1.1.7 na unang na-detect sa United Kingdom, B.1.351 na mula South Africa, at P.1 na galing sa Brazil.
Noong Sabado naman inamin ng DOH na may bago pang variant ng virus na dito naman sa Pilipinas unang na-detect.
“Gusto naming ihalintulad itong mga variant sa isang family tree, kung saan ang pinak-ninuno ay yung SARS-CoV-2 na nadiskubre sa China. Subalit habang kumakalat sa ibang lugar nag-branch out siya,” paliwanag ni Dr. De Guzman.
“Yung isang branch nito ay unang na-detect sa Brazil at tinawag na B.1.1.28. Ito ay nag-further nag-subdivide o nagkaroon ng mga bagong kategorya at isa dito ay ang P.3 variant,” dagdag ng opisyal.
Sa ngayon kumpirmado ang presensya ng tatlong variant of concern sa bansa.
Ayon sa mga pag-aaral, sinasabing may katangian na mas nakakapanghawa ang UK, South Africa, at Brazil variants of concern.
Kaya naman daw labanan ng variants na mula South Africa at Brazil ang bakuna.
Aminado si Dr. De Guzman na dahil sa katangian ng tatlong variants, hindi imposible na magkatotoo ang projection ng mga eskperto ng OCTA Research Group, na baka umabot ng 8,000 ang bilang ng bagong kaso ng COVID sa buong bansa sa pagtatapos ng Marso.
“Sa ngayon ang ating mga variant of concern ay nagco-compose ng halos 7% ng lahat ng nase-sequence nating samples. Kapag ito umabot ng higit 50% ng mga sini-sequence na samples, makakakita talaga tayo ng jump hindi lang 3-times but 28-times tulad ng sinasabi ng mga eksperto.”
Sa huling tala ng DOH, mayroon nang 98 kaso ng P.3 variant, na karamihan ay mula sa Central Visayas.
Aabot naman sa 177 ang total cases ng UK; 90 South African; at isang Brazil variant of concern.