Inamin ng mga naulilang kapatid ni dating Pangulong “Noynoy” Aquino na bago pa man magkaroon ng coronavirus pandemic ay madalas na itong naoospital.
Sa official statement ng kanilang pamilya na binasa ni Pinky Aquino-Abellada, kanilang kinukumpirma na payapang pumanaw habang natutulog si Noynoy.
Nakasaad anila sa death certificate na alas-6:30 ng umaga nitong June 24 sumakabilang-buhay ang kanilang kapatid dahil sa renal disease secondary to diabetes.
“It is with profound relief that on behalf of our family, I am confirming that our brother- Benigno “Noynoy” S. Aquino III, died peacefully in his sleep. His death certificate prounounced his death at 6:30 A.M due to to renal disease secondary to diabetes,” wika ni Pinky.
Hindi rin naman napigilan ng Aquino sisters na isa-isahin ang naging matapang na pagharap ni P-Noy sa mga nakalipas na imbestigasyon ng Senado at Kongreso sa kabila ng pagiging inosente sa mga akusasyon.
Sinusulsulan daw nilang magkakapatid na almahan ni Noynoy ang mga kritiko, pero mas pinili lang na maging kalmado hangga’t nakakatulog pa ng maayos sa gabi.
Bakas ang lungkot sa magkakapatid kabilang ang bunso at “Queen of All Media” na si Kris Aquino, pero tila masaya rin na makakasama na ni Noynoy sa langit ang kanilang mga magulang na sina dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino at dating Pangulong “Cory” Aquino.
Ang 61-anyos na si Nonoy ang siyang ika-15 presidente ng republika.
Nagsilbi siya bilang pangulo ng bansa noong June 30, 2010 hanggang June 30, 2016.
Ipinanganak siya noong February 8, 1960 at ika-4th generation ng pamilya ng mga politiko.
Ang kanyang ama ay ang yumaong dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino at ang ina naman ay si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino na naging presidente rin ng Pilipinas sa pagitan ng 1986-1992.
Ang mga magulang niya ay kinikilala bilang mga “democracy icons.”
Si PNoy ay nagsilbing congressman ng 2nd district ng Tarlac sa pagitan ng 1998 hanggang 2007 at naging deputy speaker ng House of Representatives noong November 8, 2004.
Matapos ang kanyang termino bilang kongresista tumakbo siya sa pagka-senador at nanalo naman noong May 2007.
Noong September 1, 2009 sa isang press conference, inanunsyo ni dating Senator Mar Roxas, na noo’y presidente ng Liberal Party, ang kanyang pag-atras sa 2010 presidential elections at inindorso si Aquino.
At noong 2010 nanalo siya bilang pangulo at sinundan niya si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.