Nasa 149 kilos halaga ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P1.28 billion ang nasabat ng mga tauhan ng PDEA, PNP-DEG, AFP Task Force Noah, NICA at Cavite Police Provincial Office sa isinagawang buy bust operation kaninang alas-6:40 ng umaga, October 1, 2021 sa may Blk 16, lot 9, Manager Drive Executive 1, Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Arestado sa nasabing operasyon ang tatlong drug personalities.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang tatlong naarestong drug personalities na sina: Jorlan San Jose, 26; Joseph Maurin, 38, at Joan Lumanog, 27.
Ang tatlong suspeks ay pawang mga residente ng Dominorig,Talatag, Bukidnon.
Bukod sa 149 kilos na umano’y shabu, nasabat din sa tatlo ang P1,000 bill buy bust money at isang bundle ng boodle money at isang itim na Nokia key pad.
Kasong paglabag sa Section 5 & 11, Art. II, ng RA 9165 ang isasampa laban sa mga suspeks.
Inaalam pa sa ngayon kung may kaugnayan ang tatlong suspeks sa mga nasabat na iligal na droga ng PNP at PDEA sa Zambales na ikinasawi ng tatlong Chinese.