Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang umano’y mga pekeng produkto sa Malabon City na nagkakahalaga ng P1.2 billion.
Kasama rin sa mga nadiskubre ng mga awtoridad ang mga disposable vapes na ‘wala umanong tax stamps na hindi otoridadong ibenta.
Ang naturang operasyon ay pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), na una nang nagbigay ng mga Letters of Authority sa mga bodega sa Malabon noong Marso 11, kung kaya’t natuklasan ang mga iligal na produkto.
Upang matiyak na mananatiling ligtas ang mga nakumpiskang produkto sinelyuhan at kinandado ito ng mga awtoridad para sa isasagawang imbentaryo.
Samantala mag-iisyu naman ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC para sa mga nakumpiskang produkto dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng Republic Act No. 8293, na kilala rin bilang Intellectual Property Code of the Philippines.