CAGAYAN DE ORO CITY- Sa kulungan ang bagsak ng isang agent/driver ng produktong diaper matapos makuha sa kanyang posisyon ang mahigit isang milyong halaga ng shabu sa COVID-19 checkpoint sa Zone 3, Taboc, Opol, Misamis Oriental.
Kinilala ang suspek na si Junnel Lorenzo, 35, na residente sa Zone 5 Brgy Bugo nitong lungsod.
Sinabi ni Opol Municipal Police Station Commander Major Evary Bacunawa na habang nagsagawa ng checkpoint sa naturang lugar kaninang madaling araw, dumaan ang isang puting van at napansin ang karga nitong hinihinalang shabu.
Nang kanilang inspeksyonin ang sasakyan, dito na tumambad ang nasa P1.2 milyon na halaga ng pinaniniwalaang shabu.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng nasabing suspek.