-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nalagpasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) District Office Number 67 sa Albay ang target collection sa unang semestre ng taong 2020 matapos na umakyat sa P1.3-billion ang nakolektang buwis.

Tumaas ito ng 4.31% sa itinakdang tax collection na P1.279-billion, mula sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BIR-Albay Revenue District Officer Arnel Cosianas, hindi umano naging balakid sa koleksyon ang coronavirus pandemic.

Umaasa si Cosianas na tuloy-tuloy pa ang tinawag nitong “cumulative positive result” hanggang maabot ang target para sa natitirang bahagi ng taon.

Kahit may ilang agam-agam sa isyung pangkalusugan, nanindigan ang tanggapan na tuloy rin ang trabaho.

Aminado naman itong may ilang adjustment na sa isinagawa epekto ng pandemic subalit makakatulong naman aniya ito sa dahan-dahang pagbubukas ng ekonomiya at ilan pang programa ng pamahalaan.