Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang proposed P1.3-trillion Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE), na gagamitin para tugunan ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Sa botong 216 na “Yes” at pitong “No” pinagtibay ng mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 6185, isang araw matapos ang nakatakda sanang sine die adjournment ng Kongreso.
Nauna nang sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, isa sa mga pangunahing may-akda ng ARISE, pinapahintulutan ng panukalang ito na mag-realign ng items ang Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) sa loob ng anim na buwan, partikular na ang mga hindi naman magagamit dahil sa COVID-19 kagaya na lamang ng travel at forced savings.
Sinabi ni Salceda, pinalalawig din ng panukalang batas na ito ang validity ng 2019 at 2020 GAA ng hanggang 2021.
Bukod dito, pinalalawig din nito ang kapangyarihang iginagawad ng Bayanihan to Heal as One Act, tulad na lamang ng testing, wage subsidies, TUPAD program ng DOLE, loan payment extension, ayuda na ibinibigay ng DTI at DA, pagpapaluwag sa credit rules, health protocols, reallocation at realignment ng pondo.
Layon din aniya nito na magtatag ng Economic Stimulus Board at Economic Resilience Plan.
Sa ilalim ng ARISE, nasa P10 billion ang inilalaan para sa massive COVID-19 testing ngayong taon at karagdagan pang P10 billion sa 2021.
Aabot sa P110 billion ang alokasyon para sa wage subsidy na gagamitin sa loob ng dalawang buwan.
Nasa P25 billion naman ang pondong nakalaan para sa cash for work program ng Department of Labor and Employment, na may three million beneficiaries, habang P5 billion ang alokasyon para sa ayuda sa mga technical at vocational learners, at P42 billion naman para sa educational subsidy.