Natanggap na ng Pilipinas ang nasa P1.38 bilyong halaga ng mga kagamitang militar na donasyon ng Estados Unidos tulong sa pagpapalakas ng border security.
Ang mga donasyong kagamitan ay kinabibilangan ng sniper gear at anti-improvised explosive device (IED) equipment na tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Dept. of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin mula kay acting US Secretary of Defense Christopher Miller, na bumibisita sa bansa.
Sinabi ni Miller kay Lorenzana, bukod sa mga naturang gamit, isang US C-130 transport plane ang ide-deliver pa sa AFP sa darating na December 17.
Nagkasundo ang dalawang kalihim na lalo pang palakasin ang ugnayang militar ng dalawang bansa.
Nagpasalamat naman si Lorenzana kay Miller sa tulong ng Estados Unidos sa pag-secure ng borders ng Pilipinas sa mga “external threats”.
Una rito tumanggap ang Pilipinas sa Estados Unidos ng P1.1 bilyong ($23.4 million) halaga ng tulong para sa COVID-19 response, disaster relief, counter-terrorism, at maritime surveillance; at donasyong P868 million ($18 million) halaga ng supplementary military equipment at training para sa AFP.
Ang Pilipinas ang may pinakamalaking natanggap na military assistance sa Estados Unidos sa bahagi ng Indo-Pacific region.