-- Advertisements --

Tinatayang nagkakahalaga sa P1.4 million ang nakumpiskang uncertified products ng Department of Trade and Industry (DTI) sa National Capital Region (NCR) sa loob ng unang dalawang buwan ng taong 2022.

Sa isang statement sinabi ng DTI na nasabat ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ang 7,551 piraso ng uncertified products matapos itong magsagawa ng random inspection sa Metro Manila mula Enero 1 hanggang Pebrero 28.

Ang naturang bilang ng mga nasamsam na produkto ay mas mataas kumpara sa 846 piraso ng mga produktong nagkakahalaga sa Php346,704 na nasabat naman ng kagawaran noong nakaraang taon.

May kabuuang 181 na mga establisyemento ang ininspeksyon ng DTI sa NCR, kung saan 100 sa mga ito ay nabigyan ng notice of violation para sa pagbebenta ng mga produkto nang walang kaukulang Philippine Standard (PS) mark at Import Commodity Clearance (ICC) sticker na iniaatas ng gobyerno.

Sinabi naman ni Trade Assistant Secretary Ronnel O. Abrenica na ang pagtaas ng mga nakumpiskang produkto ay dahil sa recalibration ng resources at muling pagtutok sa regular na pagsasagawa ng pagpapatupad at seizing operations.