Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang P1.4 bilyong halaga ng smuggled luxury cars mula sa mga warehouse sa Pasay at Parañaque City.
Kabilang sa mga nakumpiska noong Pebrero 13 ang iba’t-ibang mamahaling brand ng sasakyan at iba pang sports cars.
Ayon sa BOC, natunton nila ang mga sasakyan matapos makatanggap ng impormasyon na ibinebenta ang mga ito online. Agad nilang sinuri ang tip at nagsagawa ng operasyon.
Sinabi ni BOC Commissioner Bien Rubio na ito ay isang babala sa mga importer na hindi ligtas kahit nakalabas na sa mga daungan ang kanilang mga produkto.
Ang may-ari ng mga warehouse ay binigyan ng 15 araw upang magsumite ng dokumentong nagpapatunay ng tamang pagbabayad ng buwis at taripa. Kung wala, mahaharap sila sa kaso sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act.