Nasa kabuuang P1.482 billion halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga operatiba ng PNP at PDEA sa isinagawang tatlong magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Quezon City, Valenzuela City at Balagtas, Bulacan.
Sa nasabing joint operations kahapon ng PNP at PDEA, apat na Chinese nationals ang arestado habang isa ang nasawi na nakipagbarilan pa umano sa mga law enforcers.
Kinilala ni PNP chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar ang apat na naarestong Chinese suspeks na sina Willie Lu Tan, a.k.a Chen Bien; Anton Wong, a.k.a Wang Zhong Chun, Wang Min; Chen Zhin, at Joseph Dy.
Habang ang suspek na nasawi sa shootout ay nakilalang si Wu Zishen, 50.
Sa inilunsad namang buy bust operation sa may Magsaysay St., Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City ay nagresulta sa pagkaaresto kay Tan, Wong, at Min kung saan nasa 127 kilograms ng umanoy shabu na nagkakahalaga ng P863.6 million ang nasabat sa kanilang posisyon.
Sa buy-bust operation na ikinasa sa harap ng isang bangko sa may General Luis St, Paso de Blas, Valenzuela City, naaresto si Dy at nakumpiska sa kaniyang posisyon ang nasa 16 na kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P108.8 million.
Sa isa pang buy-bust operation sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan, nakipag sagupaan pa ang Chinese drug suspek na si Wu na napatay ng mga operatiba.
Nakuha sa posisyon ni Wu ang nasa 75 kilograms na shabu na nagkakahalaga ng P510 million at isang Colt .45 pistol.
Sinabi ni Eleazar, batay sa paunang imbestigasyon, ang mga nasabing indibiwal ang nagpapakalat daw ng droga sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Ayon kay Eleazar patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at intelligence operations upang matukoy kung sino ang lider at utak ng sindikato.
Kapwa pinuri nina Eleazar at PDEA Director General Wilkins Villanueva ang matagumpay na anti-illegal drug operations na ang nasabing sindikato ang siyang main suppliers ng iligal na droga sa Metro Manila at karatig probinsiya.
Naniniwala sina Eleazar at Villanueva na malaking kawalan sa sindikato ang pagkakasabat sa bilyong halaga ng mga iligal na droga.