-- Advertisements --

Dinipensahan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang P1.58-bilyong counter-insurgency funds sa ilalim ng proposed 2021 budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilang barangay sa lungsod ng Davao.

Kinuwestiyon kasi ng ilang mambabatas mula sa Makabayan Bloc ang alokasyon ng naturang pondo, dahil wala naman daw nangyayaring karahasan sa naturang lugar.

Giit ni Esperon na siyang vice chairman ng NTF-ELCAC, dumaan sa masusing proseso ang barangay development funds na inilaan sa ilang priority areas.

“The NTF-ELCAC intends to ensure that the projects in these priority areas are sustainable. Thus, to prevent the NPA from exploiting these communities, communities threatened by the influence of the armed rebels were included in the final list of priority areas,” wika ni Esperon.

“The Armed Forces of the Philippines as well as the local operating units of national government agencies have validated the need for development programs,” dagdag nito.

Ayon pa sa kalihim, pinatotohanan ng mga regional counterparts ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na lantad sa banta ng mga komunistang grupo ang mga napiling lugar sa Davao City.

“There are 11 ethnic tribes of indigenous peoples in Davao City alone whose children are vulnerable to recruitment. In fact, eight out of ten NPAs in Eastern Mindanao have been recruited from indigenous peoples,” ani Esperon.

Batay aniya sa impormasyon mula sa security forces, sinabi ni Esperon na recruitment at training ground umano ng rebeldeng New People’s Army ang Davao region.

Una nang lumabas ang ulat na may matatanggap daw na P1.58 billion ang 79 na mga barangay sa Davao City.

Sinabi pa ni Esperon, kinakailangang magkaroon ng mga school buildings sa Davao City para palitan ang mga Salugpungan schools na iligal na nag-ooperate sa naturang lugar.