Inihayag ni National Commission of Senior Citizens chairperson Atty. Franklin Quijano na aabot sa P1.5 billion ang kailangang ilaan na pondo ng gobyerno ngayong taon para sa mga makakaabot ng edad na 101 taong gulang.
Ito ay kapag sa oras na maaprubahan ang panukalang batas na nagsusulong sa P1 million na cash gift para sa mga Pilipinong makakaabot sa naturang edad.
Ayon kay Quijano, mahigit 2,600 ng centenarians ngayong taon o ang mga tutuntong sa edad na 100 habang nasa 1,538 namang Pilipino ang magi-edad 101 na ngayong 2023.
Ito aniya ang dahilan kayat mas malaking pondo ang kailangan para sa nasabing panukalang batas.
Kung matatandaan, noong Lunes, Mayo 8 inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 7535 na inamyendahan ang Centenarians Act of 2016 .
Sa ilalim din ng panukalang batas, makakatanggap ang lahat ng mga Pilipinong edad 80,85 o octogenarians, 90 taong gulang at 95 anyos o nonagenarians ng letter of felicitation mula sa Pangulo ng bansa at cash gift na P25,000 bawat isa.