Nasa P1.6 billion pesos ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa pagsasaayos ng runway, pier at iba pang facilities sa Pag-asa island.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na posible sa susunod na mga buwan ay mag-umpisa na ang konstruksyon sa nasabing isla.
Sinabi ng kalihim na uunahin ang konstruksyon sa pier partikular ang sa Naval station ng Philippine Navy ng sa gayon makakadaong na ang mga barko na may mga kargang construction equipment.
Aniya, ang mga construction materials ay magmumula at bibilhin pa sa Palawan.
Ngayong araw binisita ni Sec. Lorenzana ang Pag-asa Island batay narin sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na alamin ang mga kakailanganing gawin lalo na sa pagsasa ayos ng mga facilities sa walong isla at isang reef sa Kalayaan group of island.
Ibinunyag din ni Lorenzana na naglaan din ng P10 milyon ang provincial government ng Palawan para sa pagsasaayos ng mga istruktura at facilities sa naturang lugar.
Kabilang sa mga itatayong istruktura sa Pag-asa island ay mga water desalination system, barracks, fish port, at beaching ramp.