-- Advertisements --

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampanga ang nasa P1.6-milyong halaga ng ecstacy tablets.

Sa pahayag ng BOC, aabot sa 988 na piraso ng ecstasy tablets ang nasabat sa kargamento na idineklarang “air humidifier”.

Dumating ang mga kargamento sa naturang pantalan noong Setyembre 1 na galing sa United Kingdom.

Nang isailalim ito sa masusing pagsusuri ay nadiskubreng mga iligal na droga ang laman nito.

Isinailalim agad sa laboratory testing at chemical analysis ang mga tableta at nakumpirmang positibo ito sa ecstasy.

Agad naman naglabas ng warrant of seizure sa mga kargamento at naiturn-over na ito sa Philippine Drug Enforcement Agency.