TACLOBAN CITY – Nakumpiska sa isinagawang Veterinary Quarantine Checkpoint sa San Juanico Bridge ang aabot P1.6-million na halaga ng assorted frozen pork meat products mula sa Bulacan.
Ang nasabing operasyon ay kasunod ng ipinatutupad na total ban sa lahat ng pork products mula sa Luzon dahil sa bantang dulot ng African swine fever (ASF).
Ayon kay Tacloban City Veterinarian Dr. Eunice Alcantara, kinumpiska nila ang nasabing mga produkto dahil sa kakulangan ng mga dokumento na kinakailangan para makapasok ang mga ito sa lungsod.
Lulan ng delivery van ng Marby Food Ventures ang 700 crates ng frozen pork meat kung saan nakatakda sana itong i-deliver sa mga tindahan sa Tacloban, Ormoc, Digos City, Iligan City, San Francisco City, Koronadal City, Butuan, at Surigao.
Nabatid na una nang nagpalabas ng executive order si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na nagbabawal sa lahat ng mga pork products mula sa Luzon upang maiwasan ang pagpasok ng pinangangambahang African swine fever sa lungsod.
Sa ngayon ay nailibing na ang mga nakumpiskang meat products sa city sanitary landfill.