Lusot na sa House committee on appropriations ang P1.65 billion supplemental budget para sa gagawing hakbang sa pagharap sa problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa pagdinig ng komite, natukoy na P3.1 billion ang kakailanganing pondo ng Department of Health (DOH) para sa mga kakailanganin laban sa COVID-19.
Sinabi ni Health Usec. Roger Tong-an, sa naturang halaga ay P2.35 million ang gagamitin para sa pagbili ng personal protective equipment (PPE), P933 million ang para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) at salaries at P139 million para sa bibilhing 40,000 na test kits.
Ayon kay Deputy Treasurer Sharon Almanza ng Bureau of Treasury, P1.65 billion ang available funds na mayroon sila sa ngayon.
Gayunman, ayon kay Tong-an mayroong iba pang mapagkukunan ng pondo para sa laban kontra COVID-19
Ang PAGCOR aniya ay nangakong magbigay ng P2 billion habang ang PCSO naman ay P490 million.
Bukod dito ang DOH ay mayroon namang P539 million na savings at P81 million mula sa kanilang quick response funds na maari ring gamitin.
Samantala, ayon naman sa Department of Budget and Management maari ring kumuha ng pera mula sa contingency funds ng pamahalaan na kasalukuyang mayroong P13 billion.