-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nasabat ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon mula sa isang Real Estate Agent sa checkpoint operation sa Brgy. 8 Capangdanan sa bayan ng Pinili dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ang babae ay 56-anyos, may asawa, Real Estate agent sa lungsod ng Maynila, at taga Brgy. 1 Balbuena sa bayan ng Pinili.

Ayon kay Pol. Capt. Kester Arellano, chief of police ng Philippine National Police sa bayan ng Pinili, isasagawa sana ang Anti-Illegal Drug Buy-Bust Operation ngunit hindi natuloy at nagkataon namang may checkpoint operation ang Philippine national Police sa nasabing bayan.

Aniya, nakipag-ugnayan sa kanila ang Provincial Drug Enforcement Unit para arestuhin ang subject sa checkpoint operation.

Sinabi nito na noong pinahinto nila ang sasakyan ng babai ay tinangka nitong tumakas at biglang itinapon ang mga sachet na naglalaman ng umano’y shabu at sinabi sa mga otoridad na mas gugustuhin na nitong mamatay kaysa mahuli.

Hinggil dito, nakuha mula sa babae ang lima sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 250 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyong piso maliban pa sa mga kagamitan nito, at ang personal na pera na P32,080.

Nabatid na ang hindi na pinangalanang babae ay dati na umanong nahuli dahil rin sa droga.

Samantala, nanatili sa kustodiya ng Philippine National Police ang suspek at kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.