BUTUAN CITY – Inihanda na ng Butuan City Police Office ang mga kasong isasampa laban sa tatlong mga drug personalities na nahuli sa magkaibang anti-illegal drug operations kaninang madaling araw na nagresulta sa pagkakumpiska ng mahigit isang milyong pisong halaga ng suspected shabu.
Unang naaresto sina Alfie Balmocena Limjuco alias Alfie, 39, at Louie Salon Perez, 40, residente ng Purok 7, Brgy Limaha, sa lungsod na umano’y nagkuntsabahan sa pagbebenta ng illegal drugs.
Nakumpiska ng mga operatiba ng Butuan City Police Station 2 ang pitong piraso ng maliliit na heat-sealed sachets ng suspected shabu na may timbang na isang gramo at nagkakahalaga ng P 6,800, nasa P1,000 marked money at iba pang mga personal na gamit pati na ang cash money na P 22,270.
Ayon kay Col. Canilo Agua Fuentes, director ng Butuan City Police Office, parehong itinuro nina Limjuco at Perez ang source ng illegal drugs na humantong sa pagkakahuli ni Linlou Celocia Jumao-as, alias Kolot, 34, sa isinagawang follow up buy-bust operation dakong alas-6:30 ng umaga sa Purok 13 Mangosten, Brgy. San Vicente sa lungsod.
Nakumpiska mula kay Jumao-as ang malalaking heat-sealed sachets ng suspected shabu na may timbang na 100 grams at nagkakahalaga ng P1.8 million pati na ang marked money na P500 at mga personal na gamit.
Dagdag pa ni Col. Fuentes inihahanda na nila ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26, Section 11, Article II of R.A. No. 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa pamamagitan ng inquest proceedings.