Walang planong bawiin ng negosyanteng naghain ng cyber libel case kay Joemel Peter Advincula alyas Bikoy ang naunang reklamo nito dahil sa pagdawit sa kaniya sa isyu ng iligal na droga.
Reaksyon ito ni Elizaldy Co, kahit binago na ni Advincula ang dating statement laban sa kaniya at sa iba pang personalidad, maging sa ilang malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang naghain si Co ng P1 billion cyberlibel case laban kay alyas Bikoy dahil sa epekto umano ng drug allegations nito sa kaniyang lehitimong negosyo.
Maging ang social media giants na Facebook at Youtube kung saan kumalat din ang video ng expose ay kasama sa inihaing complaint.
Kung mahahatulang guilty si Advincula sa nasabing kaso, maaari siyang makulong ng apat hanggang walong taon para sa bawat bilang ng reklamo, habang nakadepende sa korte ang ipapataw na multa para sa danyos.