-- Advertisements --

Ibinida ngayon ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang kanilang mga bagong biniling mga kagamitan na nagkakahalaga ng P21.6 billion bilang bahagi ng kanilang modernization program.

Lubos ang pasasalamat ni Albayalde kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa suporta na ibinibigay nito sa pambansang pulisya.

Iprinisinta ni Albayalde ang kanilang mga bagong biling kagamitan na nagkakahalaga ng mahigit P1 billion na kinabibilangan ng mga sumusunod: 387 units ng patrol jeep, 235 units ng leisure travel vans, 41 units ng van at 138 units na rubber boat.

Kasama sa 313 units ang basic assault rifle, 320 units ng 5.56mm light machine guns at 231 units ng 7.62mm light machine guns.

Gayundin nasa 160 units ng base radio, 6,440 units ng undershirt vest, 3,666 units ng 5.56mm ng NATO magazine at 48 units ng explosive detection dog.

Simula nang maupo sa pwesto si Duterte nasa kabuuang P21.6 billion na ang pondo na ibinigay sa PNP para Capability Enhancement and Modernization Program.

Ipamamahagi ang mga ito sa iba’t ibang regional, city at municipal police stations sa buong bansa.

Kinumpirma naman ni Albayalde na ang mga bagong biling basic assault rifles ay ibibigay sa Marawi City police at sa mga miyembro ng mga special forces battalion na nakabase sa Lanao del Sur.

Habang ang mga machine guns ay mapupunta naman sa mga regional mobile force, Maritime group at Special Action Force.

Nilinaw naman ng PNP na nagkataon lamang na mga Israeli made ang mga biniling armas dahil ito ang nanalong supplier sa isinagawang bidding noon.

Inaasahan din ng PNP ang dagdag pang dalawang helicopter sa katatapos lamang ng bidding.

Nasa P2.2 billion pa ang inilaang pondo ng gobyerno para sa pagbili pa ng dagdag na mga rifles at mga pistola.