-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Naghihintay nalang ng recognition mula sa Guinness ang isang lola mula sa Kabankalan City, Negros Occidental bilang pinakamatandang tao na nabubuhay sa mundo sa edad na 124.

Nitong Setyembre 11, ipinagdiwang ni Francisa ‘Iska’ Susano ang kanyang 124th birthday kung saan binisita ito ng mga opisyal ng gobyerno at mga pulis sa Kabankalan City upang mabigyan ng regalo.

Ayon kay Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes, natanggap na ng Guinness World Records Organization ang mga dokyumento na magpapatunay na si Susano ay ipinanganak noong taong 1897.

Nagfile rin si Ordanes ng House Resolution 2207 na sumusulong sa Kamara na bigyan ang supercentenarian ng P1 million incentive dahil isa na itong pambansang yaman.

Ayon kay Ordanes, nasaksihan ni Susano ang mahahalagang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas at mas matanda pa ito kaysa sa deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya kaya’t nararapat lamang na bigyan ng pagkilala.

Sa ngayon, hawak ni Kane Tanaka ng Japan ang rekord bilang world’s oldest living person sa edad na 118, na ipinanganak naman noong taong 1903.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lola Iska sa kanyang birthday, pagtutugtog ng harmonica at pagkain ng gulay ang kanyang sekreto para sa mahabang buhay.

Umaasa naman si Ordanes na maaprubahan ng kapwa mga mambabatas ang resolusyon.