NAGA CITY – Nagkakahalaga ng isang milyong piso ang pinaniniwalaang shabu na nakumpiska ng mga otoridad sa apat na indibidwal mula pa Makati City sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay San Nicolas, Iriga City, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na sina Jayroll Labradores, Alvin Labradores, Dionel Labrador at Nathaniel Sierra, pawang taga-Barangay Rizal, Makati City.
Sa ipinaabot na impormasyon sa Bombo Radyo Naga ni Agent Pongs ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Camarines Sur, naaresto ang mga suspek nitong umaga lamang.
Ito’y sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-Camarines Sur at Camarines Norte, Camarines Sur Police Provincial Office, Iriga City-Philippine National Police, National Bureau of Investigation-Regional Office V, at 9th Infantry Division Philippine Army.
Nakuha sa posisyon ng mga suspek ang isang nakataling transparent plastic bag na may laman umano shabu na may bigat na 150 grams, at ilan pang drug paraphernalia, at mga personal nitong mga gamit.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga nadakip at mahaharap sa kaukulang kaso.