-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Kaagad na nag-alok ng P1-milyong pabuya ang gobernador ng Negros Occidental para sa pagkahuli ng mga suspek na nag-ambush sa convoy ng bise alkalde ng Moises Padilla na ikinamatay ng isang konsehal at tiyuhin nitong dating punong barangay nitong Huwebes ng tanghali.

Ayon kay Governor Alfredo Marañon Jr., dapat matigil na ang serye ng pagpatay sa mga opisyal sa lalawigan kaya’t nanawagan ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan na.

Una nang sinabi ng hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si P/Cpt. Junjie Liba na tinambangan ang convoy nina Sangguniang Bayan member Michael Garcia habang dumadaan sa Hacienda Dresden, Barangay Inolingan.

Nakatakbo pa sana ang konsehal kasama ang kanyang tiyuhin nitong si Mark Garcia ngunit sila ay nakadapa at naabutan ng mga suspek at doon na pinagbabaril hanggang namatay.

Kasama rin sa convoy ang sasakyan ni Moises Padilla Vice Mayor Ella Garcia-Yulo na tiyahin ng konsehal ngunit ito ay nakaligtas matapos tumakbo at nagtago sa bahay malapit sa ambush site.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, sakay sa motorsiklo at gray na pick-up ang mga salarin na armado ng matatatas na kalibre ng baril na kaagad namang tumakas papunta sa katabing bayan ng Isabela.

Si Mark Garcia ay dating punong barangay at presidente ng Association of Barangay Captains sa nabanggit na bayan ngunit ito ay nagresign noong December 2017 dahil sa karamdaman at kaagad namang tinanggap ni Mayor Magdaleno Peña ang kanyang resignation.

Ang kapatid naman nitong bise alkalde ay kakalabas lang ng kulungan matapos magpiyansa sa kasong illegal possession of firearms and explosives matapos mahuli sa checkpoint operation noong December 2017, kasama ang kanyang mister.

Si Coun. Michael Garcia ay nagpapa-reelect para sa kanyang huling termino.