-- Advertisements --
marijuana

BAGUIO CITY – Sinira ng mga operatiba ng Philippine National Police ang libo-libong piraso ng marijuana na nagkakahalaga ng P10.74 million sa isinagawang eradication operation sa mga kabundukan ng bayan ng Bakun sa lalawigan ng Benguet.

Nadiskobre ang tatlong plantation sites na may kabuuang lawak na higit 13,000 square meters sa Sitio Legab ng Barangay Kayapa, Bakun.

Aabot naman sa 52,200 na mga fully-grown marijuana plants at 2,500 na mga marijuana seedlings ang binunot sa mga nasabing lugar.

Agad ding sinunog ng mga otoridad ang mga binunot nilang mga iligal na halaman maliban lamang sa mga kinuhang samples na magsisilbing ebidensia.

Batay sa tala ng Benguet Police Provincial Office, aabot na sa higit 71,000 na mga marijuana plants na nagkakahalaga ng higit P13.81 million ang sinira ng mga ito sa serye ng marijuana eradication operations na kanilang isinagawa sa mga bayan ng Benguet na may mga nagtatanim ng marijuana.