Aabot sa P10.9 milyong halaga ng anim na sasakyang binili sa eMarketplace online platform ang naipamahagi na sa mga ahensiya ng gobyerno, ayon sa Department of Budget and Management (DBM) nitong Miyerkules.
Ang eMarketplace ay bahagi ng New Government Procurement Act (NGPA), isang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 20, 2024. Layunin nitong gawing moderno at episyente ang proseso ng pampublikong pagprokura sa bansa sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga kahinaan at kakulangan sa kasalukuyang sistema.
Apat na sasakyan na nagkakahalaga ng P7.6 milyon ang ibinigay sa Insurance Commission (IC) noong Lunes, habang dalawang sasakyang P3.3 milyon naman ang natanggap ng National Tax Research Center (NTRC) kinabukasan.
Pinuri ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang mabilis na transaksyon, na dating inaabot ng apat na buwan ngunit ngayon ay wala pang dalawang linggo.
Patuloy ding dadagdagan ang mga produktong maaaring bilhin sa eMarketplace, kabilang ang airline tickets at cloud computing services.