-- Advertisements --

Ibinahagi ni Speaker Martin Romualzed na plano umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang inaasahang P10 bilyong kita mula sa Rice Competiveness Enhancement Fund (RCEP) sa irigasyon at dagdag na suporta sa mga magsasaka.

Sinabi rin ni Speaker Romualdez na maghahanap ng P40 bilyon ang House of Representatives upang maidagdag sa pondo para sa irigasyon sa ilalim ng pambansang pondo para sa susunod na taon bilang suporta sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain.

Sa mensahe ni Speaker Romualdez sa presentasyon ng solar-powered irrigation project ng National Irrigation Administration sa Region 3 Office sa San Rafael, Bulacan, sinabi nito tila magkakaroon ng excess collections sa RCEF na magagamit para sa mga magsasaka.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang hakbang ni Pangulong Marcos ay nagpapakita na siya ay seryoso na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa bansa na abot-kaya ang presyo.

Kasama rito ang pagnanais ni Pangulong Marcos na mapababa sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng irigasyon upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa kaya dapat umanong lagakan ito ng sapat na pondo.

Sumulat ang NIA sa Kamara upang hilingin na ibalik ang P90 bilyong pondo na inalis sa kanila sa panukalang 2024 budget.

Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang solar-powered irrigation project ng NIA sa Bulacan.

Ang sistema ng irigasyon na ito ay pinatatakbo ng 115 solar panel at nagsusuplay ng tubig sa 150 hektarya ng taniman ng 1154 magsasaka.

Ang NIA ay mayroon ding mga katulad na proyekto sa Bustos, Bulacan isa sa Brgy. Malamig na pinatatakbo ng 334 solar panel at nakakapagsuplay ng tubig sa 350 hektarya at ang isa pa sa Brgy. Tibangan na may 1,112 solar panels at nagsusuplay ng tubig sa 1,200 hektarya.

Dahil sa paggamit ng solar power ay nababawasan ang gastos ng mga magsasaka sa irigasyon.

Ang proyekto ng Kapatiran ang gastos na P900,000 hanggang P1 milyon kada taon sa kuryente ay bababa sa P400,000 hanggang P450,000.

Kasalukuyang tinatalakay sa Kamara ang panukalang budget para sa 2024.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang paggamit ng solar pump irrigation system ay nakalinya rin sa pagbawas ng greenhouse gas emission at paglaban sa climate change.