-- Advertisements --

Aabot ng hanggang P10-billion ang realignment na gagawin ng Kamara sa ilalim ng 2020 proposed P4.1-trillion national budget.

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ilalaan ang pondong ito para itaas ang alokasyon sa pagbili ng National Food Authority (NFA) ng palay sa mga lokal na magsasaka, pagpapabuti ng K to 12 program, nationwide electrification, 2020 Asean Para Games and Tokyo Olympics at sa implementasyon ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018.

Sa P10-billion realigned funds, sinabi ni Cayetano na P5 billion dito ay huhugutin sa alokasyon para sana sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, na muling sususpendihin.

“So these are the areas na medyo (that we’re quite) sure na magkakaroon ng (would have) changes, in my personal calculation less than P10 billion pa lang (only),” ani Cayetano.

Isa rin sa mga babawsan ng Kamara ng pondo para sa realignment na ito ang Right of Way Fund.

“So ang tinitingnan namin ngayon kung nasaan ang taba, pero pagka muscle yan ay hindi namin gagawin. Pero pag nakita namin na iyong pondo na iyan ay anjan pero malabo o almost zero chance na magamit for that purpose, ilagay natin sa purpose na magagamit talaga or if we think it’s not a priority,” ani Cayetano.

Sa kabila ng pagbabagong ito, binigyan diin ng lider ng Kamara na walang nakakubling pork barrel o parked funds sa ilalim ng 2020 budget.