LA UNION – Nanawagan sa mga naninirahan sa lalawigan ng La Union ang isang costumer na taga-Davao City na biktima umano ng online seller na makipagtulungan upang matukoy ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa naturang biktima na si Cherry Ann Cordova, sinabi nito na ang tinutukoy na online seller ay nagpakilala sa kanya bilang Ethel Rapada ng San Jose, Delmonte, Bulacan.
Sa kwento ng biktima, bibili sana ito ng bag at tablet sa suspek sa halagang P10,000 at nangyari ang kanilang transaksyon sa pamamagitan sa Facebook at Messanger.
Ngunit nang ipinadala ni Cordova ang nabanggit na halaga at maraming dahilan si Rapada hanggang sa nai-block ito sa social media.
Tuluyang naputol umano ang komunikasyon sa pagitan ng dalawa at hindi na rin nakuha ng biktima ang binayaran nitong items.
Nabatid din ni Cordova na sa isang money remittance outlet sa lungsod ng San Fernando, La Union kinuha ng suspek ang ipinadala nitong pera.
Nagpaalala din ang biktima sa mga kababayan na mag-ingat sa pagbili ng mga produkto sa mga online sellers upang hindi maulit ang naging karanasan nito.