Dinipensahan ng opisyal ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang P10,481 estimated minimum budget na kailangan ng isang pamilyang Pilipino para makaraos sa isang buwan.
Sa isang panayam, sinabi ni PSA Assistant Sec. Josie Perez na ang halagang ito ay sapat para sa isang pamilya na may limang miyembro na makabili ng masustansyang pagkain.
Iginiit ni Perez na hindi naman puro noodles lang ang mabibili sa naturang halaga.
Ibinase naman daw kasi nila ang computation na ito sa food threshold ng isang pamilyang Pilipino alinsunod na rin sa inirekomenda ng Food and Nutrition Research Institute.
Sa isang press briefing kahapon, sinabi ng PSA na ang poverty incidence sa bansa ay bumaba sa 21 percent sa first half ng 2018.
Ayon sa ahensya, sapat na ang P10,481 para makabili ng basic food at non-food items ang isang pamilya na may limang miyembro sa loob ng isang buwan.
Sa naturang halaga, tinatayang P7,337 ang gagastusin daw ng isang pamilyang Pilipino para sa kanilang basic food needs at P3,144 naman para sa basic non-food needs katulad na lamang ng pambayad sa bills sa bahay, pambili ng damit, pamasahe, at iba pa.