NAGA CITY – Inaasahan ni Father Marcel Immanuel DP. Real, Direktor ng Caritas-Caceres na aabot sa P10 million ang malilikom na income sa gagawing Bishop Francisco Gainza Trade Fair sa darating na ika-12 hanggang 22 ng Setyembre sa lungsod.
Ang Gainza trade fair ay taunang ginagawa kasabay ng pagdiriwang ng Peñafrancia festival.
Ayon kay Father Real, mahigit sa 93 exhibitors ang inaasahang lalahok sa nasabing trade fair kung saan 17 dito ang galing sa Camarines Sur, 12 sa Valenzuela, Palawan, Laguna, at mayroon namang galing mismo sa LGU Naga, mga paaralan at maging sa City District Jail.
Kasama sa mga ibibida sa trade fair ang iba’t ibang produkto gaya ng processed foods, handicrafts, Fashion Accesories, Religious items, organic and natural produce at marami pang iba na mula sa loob at labas ng Kabikolan.
Magkakaroon din ng mga trainings tungkol sa paglalagay ng Negosyo Online, pagsisimula ng Social Enterprise, Financial Literacy for youth, Seminar on Business Resiliency at iba pang trainings tungkol sa pagnenegosyo.
Ang naturang aktibidad ang sinimulan noong taong 2010 na ipinangalan kay dating Bishop Francisco Gainza na nagpasimula ng pinakaunang Agro-Industrial Fair sa Bicol noong taong 1875.