CEBU CITY – Nasabat ng PNP ang mahigit P10 milyong halaga ng iligal na droga mula sa isang high value target sa isinagawang buy bust operation ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Bohol Provincial Police Office (BPPO) sa Brgy. Cogon, lungsod ng Tagbilaran, Bohol.
Arestado ang drug suspect na si Allan Ben Caberte, 47, residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Captain Jerion Itim ng Bohol PNP-Intelligence Branch, team leader ng operasyon, matagal na nilang isinailalim sa surveillance ang iligal na transaksyon ni Caberte.
Positibo itong nabilhan ng tatlong extra large pack ng shabu na may bigat na 300 grams.
Habang, nadiskubre naman ang iba pang 12 extra large pack ng shabu sa loob ng dalawang palapag na tahanan nito.
Nalaman din na ginagawa pa lang bodega ng shabu ang pamamahay ng subject.
Sa kabuuan, umabot sa 1.5 kilos ang nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng P10.2 million.
Nahaharap naman ang subject sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.