Plano ng provincial government ng Cavite na humingi ng sapat na compensation mula sa operator ng MT Terra Nova bilang kabayaran sa pinsalang dulot ng tumagas na langis mula noong lumubog ito sa Manila Bay.
Ayon kay Cavite Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla, hihingi ito ng P10 million na kabayaran kada-araw mula sa operator o may-ari ng lumubog na tanker.
Paliwanag ng gobernador, ang naturang halaga ay katumbas ng P350 na daily wage ng mga residente na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa tumagas na langis.
Una nang idineklaa ang State of Calamity sa ilang mga lugar sa Cavite matapos umabot dito ang tumagas na langis, habang nagtutulungan ang mga LGU, volunteer, at mga LGU na kontrolin ang epekto ng petrolyo.
Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng labis na epekto ng tumagas na langis ay ang mga bayan ng Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, Ternate, at mga syudad ng Cavite at Bacoor.
Una na ring idineklara ang ilang mga baybayin sa naturang probinsya bilang no-catch-zone. Nangangahulugan itong bawal ang pangunguha ng mga lamang-dagat tulad ng mga seashell.
Bagaman magkalayo ang Cavite(Calabarzon) at Bataan(Central Luzon) kung saan lumubog ang Terra Nova tanker, ang mga ito ay halos magkatapat lamang dahil parehong nakaharap sa sikat na Manila Bay.