Nag-alok ng P10 milyong pabuya si Cavite Governor Jonvic Remulla sa sinuman na magpapatunay ng kaugnayan ng kaniyang pamilya sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito ay matapos pabulaanan ng Gobernador ang mga pasaring na protektor ito at kaniyang pamilya ng mga negosyong sangkot sa mga iligal na aktibidad sa bansa.
Ilang mga post kasi sa social media ang kumalat na nag-uugnay sa pamilya Remulla sa POGO operations matapos na maibenta ang dating resort property ng kanilang angkan sa Cavite na Island Cove sa isang negosyanteng Tsinoy na ginawa umanong POGO hub.
Ang pagbubukas nga ng 32-ektaryang POGO complex sa Cavite ay nagbunsod ng mga pangamba tungkol sa tinatawag ng ilan na talamak na invasion ng mga Chinese dahil ang dating leisure destination ay naging kuta na diumano’y tinitirhan ng nasa 20,000 hanggang 50,000 manggagawang Tsino.
Sinabi naman ng Gobernador na hindi na nila pag-aari ang naturang resort na kanilang ibinenta noon pang 2018.
Ang kapatid naman ng Gobernador na si dating Rep. Gilbert Remulla ay itinalagang director ng PAGCOR noong 2022.
Subalit wala din umano itong kinalaman sa pagbibigay ng permit sa POGO kundi ang dating PAGCOR director umano noong 2022 ang nagbigay.
Sa kabila ng mga alegasyon, nanindigan ang Cavite Governor na hindi protektor ng POGO ang kanilang pamilya at ng sinumang dayuhan lalong lalo na mula sa China.