Nanindigan ang mga opisyal ng PhilHealth kontra sa akusasyong overpayment ang sanhi ng pagkawala ng higit P100-bilyon na pondo ng ahensya sa nakalipas na mga taon.
Sa isang panayam itinanggi ni PhilHealth deputy spokesperson Rey Baleña ang paguugnay ng ulat sa kaso ng nadiskubreng ghost dialysis treatments dahil sinusunod lang daw ng ahensya ang panuntunun sa ilalim ng case rates.
Nakasaad daw kasi dito ang presyo na binabayaran ng ahensya sa kada kaso ng sakit, treatment o procedure na kailangan ng bawat pasyente.
Inamin ni Baleña na hindi naman lahat ng ospital at health centers ay nakakatanggap ng fixed rate mula sa PhilHealth dahil naka-depende pa rin daw sa patient management nito ang kanilang matatanggap na bayad.
Lumabas sa isang ulat na mula 2013 ay nasa higit P150-bilyon ang nawala sa pondo ng PhilHealth; at P102-bilyon mula rito ay dahil daw sa overpayment.
Pero ani Baleña maituturing na efficiency gain ang naturang gastos.
Wala rin daw dapat ikabahala ang mga ospital dahil ito rin ang makikinabang kapalit ng magandang serbisyo sa mga pasyente.