-- Advertisements --

Ipinapanukala ng labor group na Federation of Free Workers ang paglalaan ng P100 billion stimulus fund upang masuportahan ang mga malilit na negosyo.

Ginawa ni Federation of Free Workers President Sonny Matula ang naturang panukala, kasabay ng National Employment Summit na inorganisa ng Department of Labor and Employment.

Ayon kay Matula, ang paglalaan ng P100 billion stimulus ay tiyak na makakagawa ng mas maraming trabaho at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa sa susunod na sampung taon.

Maaari aniyang maging daan din ito para masuportahan ng pamahalaan ang hiling na wage increase ng mga manggagawa.

Inihalimbawa ni Matula ang Progressive Wage Model and Workfare Income Supplement ng Singapore kung saan sinusuportahan ng pamahalaan nito ang mga kwalipikadong negosyo sa pamamagitan ng stimulus na nagiging daan para mapataas din ang sahod ng mga mangagawa.

Kasabay nito ay sinuportahan ng labor group ang panawagang dagdag 150 na wage hike para sa mga mangagawa sa buong bansa.

Kung mangyayari ito aniya ay makikinabang ang mahigit 4 million na mangagawa sa pribadong sektor.