-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Nag-alok ng P100, 000 na pabuya ang pamahalaang lokal ng Piat, Cagayan sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng gunman na nanambang at pumatay kay Richard Biraquit, punong barangay ng Sto. Domingo, Piat noong gabi ng January 23, 2023.

Batay sa abiso ng Office the Municipal Mayor, maaari lamang makipag-ugnayan kay Mayor Nel Guzman o sa hotline ng PNP Piat na 09262938628.

Umaapela ang ang alkalde at maging ang mga otoridad sa publiko na tumulong upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Biraquit.

Matatandaan na pauwi na mula sa kanilang farm si Biraquit kasama ang kanyang asawa sakay ng kanilang SUV at nang makarating sila sa Sitio Malasat, sila ay pinagbabaril ng gunmen.

Nagtamo ng tama ng baril sa kanyang ulo at katawan si Biraquit na agad naman na dinala ng kanyang asawa sa pinakamalapit na pagamutan matapos na umalis ang mga salarin subalit siya ay dead on arrival.

Nakuha sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre .45 na baril.

Si Biraquit ay kilalang leader at agricultural innovator kung saan nagbigay sa kanya ng maraming parangal ang kanyang mga proyekto at efficiency kabilang ang National Gawad Saka Award mula sa Department of Agriculture noong 2017.