-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nangako si ACT-CIS partylist Representative at Benguet Caretaker Eric Go Yap ng pabuya sa sinomang makakapagturo sa kinaroroonan o lokasyon ng mga pinaghahanap ngayon na mga suspek sa panggagahasa at sinasabing pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera noong Enero 2 sa Makati.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Kevin See, chief of staff ng kongresista na hindi nagustuhan at kinokundina ni Yap ang nangyaring krimen.

Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa PNP para sa pagbibigay ng kongresista ng pabuyang P100,000 sa sinumang makakapagturo sa lokasyon ng siyam pang suspek sa rape-slay case ni Dacera.

Dinagdag pa ni See na nakipag-usap na si Rep. Yap sa pamilya Dacera kung saan nangako itong magbibigay ng P1-M bilang tulong pinansial sa naiwang pamilya.

Ipinasigurado din ng kongresista na tutulongan niya ang pamilya Dacera sa abot ng kanyang makakaya para makamit ang hustisya.