Idinipensa ni Albay Rep. Edcel Lagman ang P100-million allocation sa kanilang mga mambabatas sa ilalim ng 2020 proposed P4.1-trillion budget.
Binigyang-diin ni Lagman na bahagi ito ng appropriation process at hindi maaring ituring bilang pork barrel.
Batay kasi aniya sa desisyon ng Korte Suprema noong 2013, maituturing lamang pork barrel ang isang proyekto o alokasyon kapag ginalaw ang latag nito pagkatapos na maipasa ang General Appropriations Act.
Pero ang P100-million na alokasyon para sa susunod na taon ay inilagay sa bawat isang kongresista bago pa man maging batas ang panukalang pondo.
Nakapaloob din aniya ito sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng executive department sa Kamara bago nagsimula ang budget deliberations.
Anuman aniya ang nilalaman ng NEP ay tiyak na dadaan din naman sa pagsusuri nilang mga kongresista para matiyak na ang pambansang pondo para sa susunod na taon ay sumusunod sa itinatakda ng batas.