Hawak na ngayon ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasa P100 million bank deposits sa accounts ng KAPA (Kabus Padatuon) Kapa-Community Ministry International, Inc..
Ayon kay SEC Commission secretary Atty. Armando Pan Jr., ang naturang halaga ay kasama sa siyam na luxury vehicles at helicopter na sakop ng freeze order na kanilang nakuha noong Hunyo 4 mula sa Court of Appeals.
Napagbigyan ang hiling nila na freeze order matapos na mailabas ang cease and desist order makaraan ang ilang taong case build up laban sa nasabing investment scheme.
Sinabi ni Pan na ang P100 million bank deposits, mamahaling sasakyan at helicopter ay idadaan sa forfeiture proceedings saka i-unfreeze at ipapamahagi sa mga biktima o investors ng KAPA.
Pero bago ito, kailangan daw muna na magkaroon ng reklamong paglabag sa Securities and Regulation Code laban sa KAPA na siyang magiging “predicate crime” sa Anti-Money Laundering Law.
Sa oras na ma-unfreeze na ang initial assets na ito ng KAPA, sinabi ni Pan na maipapamahagi na ito sa mga nabiktimang investors o members.
Subalit paglilinaw nito, dapat na dumulog daw muna ang mga ito sa tanggapan ng SEC bilang biktima at hindi basta donor lamang sa naturang investment scheme.
Sa kabilang dako, nakatakdang magtungo sa Department of Justice ngayong araw ang ilang kinatawan ng SEC upang pormal na maghain ng reklamo laban sa KAPA.
Ayon pa kay Pan, ang SEC na mismo ang tatayong complainant alinsunod na rin sa Securities and Regulation Code.