Nakatakdang sampahan ng kaso ng Bureau of Customs (BoC) ang nagmamay-ari ng mga luxury cars at mga baryang nasabat sa Quezon City.
Una rito nagsagawa ng inspection ang BoC-Port of Manila (POM) sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service Field Office (CIIS) sa isang bahay sa barangay Scout Tuazon sa naturang siyudad noong Oktubre 1.
Nadiskubre sa naturang bahay ang mga saksayan na kinabibilangan ng Lamborghini, Nissan GTR, Ferrari, Ford Shelby GT500, Mercedes Benz, Karosserie, Ford Raptor at Nissan Cefiro.
Ang mga mamahaling sasakyan na posible umanong smuggled ay nagkakahalaga ng P100 million.
Sa kasagsagan ng inspection ay tumambad din ang mga baryang tinatayang nagkakahalaga ng P50 million.
Sa ngayon, nagpapatuloy na ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakasabat ng mga kontrabando.
Posible namang maharap sa kasong paglabag sa Section 1114 ng RA10863 o mas kilalang Customs Mordernization and Tarrif Act (CMTA), BSP rules and regulation at Anti-Money Laundering Laws ang mga mapapatunayang sangkot sa posibleng pagpupuslit ng mga mamahaling sasakyan maging ang pag-imbak ng limpak-limpak na mga barya.
Ang inspection ay isinagawa sa pamamagitan ng Letter of Authority (LOA) na inisyu ni BoC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, mga miyembro ng POM-CIIS, Philippine Coast Guard (PCG), Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Bureau of Investigation (NBI).