Dinepensahan ni Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol ang umano’y pangmamaliit nito sa bilang ng danyos na dulot ngayon ng El Niño sa mga magsasaka.
Sa isang panayam nilinaw ng kalihim na prayoridad pa rin ng kagawaran ang interes ng agriculture sector, bagamat maliit na porsyento lang mula sa kabuuang target ang nabawas dahil sa tagtuyot.
Batay sa datos ng DA, nasa higit P5-bilyon na ang danyos na iniwan ng El Niño sa higit 130,000 na magsasaka.
“Everyday that passes where there is no rain, there will be greater damage, and so the total damage to crops, mainly rice and corn, has breached the 5-billion level,†ani Piñol sa isang ambush interview nitong Martes.
“We’re not saying na it’s negligible because P5 billion is P5 billion, but in comparison with our national production target, the loss would only amounts to 0.63%â€
Sa ilalim nito, 0.63-percent o P2.69-bilyon na ang na-damage mula sa higit P20-milyon metric ton na production target sa bigas.
Habang nasa 1.2-percent o P2.36-bilyon naman ang danyos sa target production ng mga mais.
Pinaka-apektado ang mga rehiyon ng Cagayan Valley at Bicol na sumugal pa rin daw sa pagtatanim matapos tamaan ng malalakas na bagyo noong nakaraang taon.
“Towards the end of the year, nagkaroon ng bagyo sa Bicol. We provided interventions and because there was rain the farmers took the risk and planted again. So this crop sustained the damage and the same applied in Region II.”
Sa ngayon nasa higit P100-milyon na budget na raw ang nai-release na ayuda ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Ilang magsasaka na rin daw ang nag-apply sa loan program ng pamahalaan kung saan inaasahang makakatanggap ang mga ito ng tig-P25,000.
Para kay Piñol, dapat palakasin ang sistema ng irigasyon sa bansa.
Mula raw kasi sa 3.9-million hectares ng taniman sa buong Pilipinas ay nasa 1.2-million hectares lang ang nabibigyan ng patas na distribusyon ng tubig sa ilalim ng irigasyon.