-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nasa kabuuang P100 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi ng Department of Social Welfare Development (DSWD) region VI sa mga apektadong residente ng Caluya, Antique kasunod sa matinding pinsala ng oil spill mula sa lumubog na barkong MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong buwan ng Pebrero.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Therese Fely Legaste, information officer II ng disaster response management division ng DSWD region VI na ang nasabing tulong ay sa pamamagitan ng family food packs, cash for work, emergency cash transfer, at maraming iba pa.

Mahigit sa 7,000 na pamilya ang naayudahan kung saan, nagpapatuloy sa ngayon ang kanilang relief assistance operation hanggang sa makabawi ang mga ito sa kanilang kabuhayan.

Sa kasalukuyan aniya ay balik na sa pagpapalaot ang mga mangingisda kasunod sa pagtapos ng clean-up drive sa karagatang sakop ng Caluya.

Sa kabilang dako, kahit walang direktang epekto sa rehiyon ng Western Visayas ang Bagyong Betty ay naghanda parin ang DSWD region VI ng 69,841 family food packs na nagkakahalaga ng P44.8 milyon pesos.

Maliban dito, may non-food item assistance din na kinabibilangan ng family kit na may kabubuang halaga na P42.4 milyon pesos para sa mga bakwit.