Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglalaan ng P100 million na pondo ang gobyerno para sa Jolo Airport project sa probinsiya ng Sulu.
Sa talumpati ng Chief Executive sa pamamahagi ng Presidential Assistance sa Patikul, Sulu, inihayag nitong binabalangkas na kung ano ang kailangan para sa rehabilitasyon ng Jolo Airport Development Project ng sa gayon ay masimulan na ito.
Inisyal na P100 million na pondo ang gagamitin para sa pagsisimula ng naturang proyekto.
Malaking tulong sa ekonomiya ng probinsiya kapag maisaayos ang kanilang paliparan.
Pinasalamatan naman ng Pangulo si Sulu Governor Abdusakur Tan na nagawa nitong maging mapayapa ang probinsiya.
Wala na rin naitatalang mga kidnapping incident sa probinsiya hindi gaya ng mga nagdaang taon.
Hindi na rin aktibo ang teroristang Abu Sayyaf dahil sa pinalakas na kampanya ng pamahalaan.
Samantala, nanawagan din si Pangulong Marcos sa mga local government units na gawin ang lahat ng mga pagsisikap na maprotektahan at siguraduhin ang kaligtasan ng mga mangingisda.
Pinatutukan ng Pangulo ang talamak na iligal na pangingisda sa probinsiya at inatasan ang Sulu Maritime Police na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa illegal fishing.