-- Advertisements --

Inianunsyo ng Malacañang ang magandang balita sa mga kawani ng gobyerno ngayong Kapaskuhan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaprubahan na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order 37 na nagbibigay insentibo na tig-P10,000 sa bawat manggagawa sa gobyerno.

Sa ilalim ng AO, kasama sa mabibigyan ng insentibo ang mga manggagawa sa national government agencies, kasama na ang nasa state universities and colleges (SUCs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Kasama rin sa insentibo ang mga mangagagawang regular, contractual o casual positions.

Nakasaad din sa administrative ordeer na makatatanggap ng P10,000 service incentives ang mga kagawad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information Authority (NMRIA).

Kinakailangan lamang na nakapagserbisyo na ang kawani sa pamahalaan ng hindi bababa sa apat na buwan noong Nobyembre 30.

Para sa apat na buwan pababa, makatatanggap sila ng service incentives batay sa pro-rated share.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang administrative order noong Dsiyembre 18, 2020.