Pauwi na sa kani-kanilang pamilya ang ibang mga biktima ng MV Lite Ferry 16 tragedy, matapos makatanggap ng financial assistance mula sa pamunuan ng Lite Shipping.
Ito ang kinumpirma ni Marlo Manlosa, Operation – In – Charge ng Lite Shipping sa Dapitan City.
Sa panayam ng Star FM Dipolog, sinabi nito na nakausap na rin nila ang kanya – kanyang pamilya ng tatlong nasawi sa trahedya. Sinagot na din ang funeral expenses ng batang nasawi at libreng transportasyon sa isa pang labi patungong Cebu City.
Sinugurado naman ni Manlosa na matatanggap ng mga biktima ang kanilang ipinangakong tulong sa mga ito.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang pagbibigay tulong pinansyal sa mga biktima habang patuloy din ang pag-aasist ang iba pang reklamo ng mga ito.
Maliban sa P 10,000.00 na ibinigay ng shipping company ay nakatanggap din ang mga biktima ng mga gamot, damit at iba pa mula sa Department of Social Welfare & Development at Department of Health- Dipolog.
Kung maalala nagsitalunan ang mga pasahero mula sa MV Lite Ferry 16 matapos itong magliyab bandang alas 12:30AM ng Agosto 28, 2019 habang naglalayag mula Samboan Cebu patungong Dapitan City.