Nag-alok ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng P100,000 na reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni dating Palawan Governor Joel Reyes.
Si Reyes ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa dating broadcaster na si Gerardo Valeriano “Doc Gerry” Ortega.
Pinagbabaril si Ortega noong January 4, 2011 sa isang tindahan sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez, nagkausap sila ni PAOCC Chief Gilbert Cruz at napagkasunduang ilabas ang naturang reward sa pagnanais na maaresto si Reyes sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Gutierrez, hindi sapat na kinokondena ang mga karahasan at mga insidente ng pagpatay, bagkus kailangang panagutin ang mga perpetrator o mga gumagawa ng karahasan.
Maalala noong nakalipas na taon ay kinansela ng Korte Suprema ang bail na inihain ng kampo ni Reyes at ipinag-utos ang muling pag-aresto sa kanya para harapin ang pagdinig sa kanyang kaso.
Kasabay nito ay umapela si Gutierrez kay Reyes na sumuko na at respetuhin ang judicial process ng bansa.