-- Advertisements --

CEBU – Umabot ng P102 million ang halaga ng shabu na nakumpiska ng mga operatiba ng Lapu-Lapu City Police Office Drug Enforcement and Intelligence Unit sa kanilang isinagawang buybust operation sa Barangay Poblacion, lungsod ng Lapu-Lapu.

Kinilala ang mga arestado na sina Eric Felisilda, apatnapu’t anim na taong gulang, at Niel James Vallesquiña, dalawampu’t walong taong gulang, tubong Langkaan, Dasmariñas, Cavite.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay PLt. Colonel Mohammed Jamiri, ang CDEU Chief ng Lapu-Lapu City Police Station, sinabi nitong ikinasa nila ang nasabing operasyon matapos na nakakuha ng impormasyon galing sa nauna nilang naaresto na si ‘Madam Aya’ noong Hunyo 13 kung saan nakuhanan nila ng 4 na kilong shabu.

Aniya, sa Maynila ang source ng mga nasabing iligal na droga at ibinyahe sa pamamagitan ng land trip mula Luzon hanggang Visayas region.

Nakuha galing sa mga naaresto ang labing-anim na kilong shabu na inilagay pa sa back pack, paper bag, sako at mga tea bag.