-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Umabot na sa P105-milyon ang pinsalang naitala sa mga pananim bunsod ng pagtama ng El Niño phenomenon sa lalawigan ng Sarangani.

Inihayag sa Bombo Radyo GenSan ni Rene Punzalan ng Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Sarangani, ang naturang pinsala mas maliit kung ikumpara sa halos P1-billion naitalang danyos sa El Niño noong 2016.

Sa datos ng PDRRMO-Sarangani, mahigit 5,000 ektarya na ng pananim na mais ang naapektuhan dahil sa tagtuyot ng mga nakaraang buwan kung saan nakapagtala ng P42 million na pinsala.

Habang mahigit sa 700 ektarya ng tanim na palay at aabot sa 2,000 ektarya sa high value crops ang nasira dahil pa rin sa matinding init ng panahon na narasanan sa Sarangani.

Tiniyak naman ni Punzalan na nakahanda na ang ibibigay na tulong para sa mga naapektuhang magsasaka.